| 
                TASYÔ:  
              Huwag
              mo sanang ikagulat, 
              Buháy
              
              pa nga
              yatà itong Aklat!  
              (TILA
              NAIS
              NIYANG SUMAMA KA SA PAGTUPAD SA LAYON NG SUMULAT!) 
              Buháy
              pa
              nga ba itong aklat na TASYO: Ngayon na ba ang
              Bukas sa Habilin ng Pantas?? Tapos na nga itong isulat;
              nagawa na ngang maisulat hanggang sa bahaging nilagyan na ng
              katagang "wakas!" at sa ganoong pagkakaayos ay
              ginastahan na ito para maipalimbag, noong Pebrero 4 ito'y
              nailunsad, at mula noon ay nagsimula nang lumaganap. Ano pa ba ang
              kasunod na naganap at magaganap kaya't may magsabing "tila
              buhay pa nga yata itong aklat!"  
              Saan
              bang pinagmulan ito nag-uugat? Sa kay Rizal  na panulat. Noon
              pang 1887 ay tapos nang maipalimbag ang Noli, na
              pinalad na mailigtas sa apoy ng samâ ng loob. Nailigtas sa
              permanente na sanang pagkamatay ang binabalak pa lang na aklat na
              muntik nang ihagis ni Rizal sa fireplace sa simbuyo ng damdaming
              pagkabigo dahil wala siyang pera para maimprenta iyon. Buti na
              lamang at dinalaw siya ng kapwa-doktor na makabayang Pilipino, si
              Maximo Viola, na nagbigay sa kanya ng ipagpapaimprenta ng
              dalawang libong kopya. Noon pa lamang Marso 1887 ay natanggap na
              ni Ferdinand Blumentritt sa Austria ang kopyang ipinadala sa kanya ni Doc.
              Pepe. Tapos na ang aklat! At bahagi ito ng dahilan kaya nagsimula
              ang mga Kastila na magbalak para wakasan ang buhay ng sumulat!
              Nabasa ito ng mga kababayan nating Pilipino at pati mga banyaga sa
              iba't ibang lugar dito sa kapuluan maging sa ibang bansa. Sa mga
              di makaintindi ng wikang Espanyol, ang laman ng Noli Me
              Tangere ay isinalaysay at ipinaliwanag ng mga Katipunero
              na ang pinuno ay nakakaintindi ng wikang Kastila, wilang Inggles,
              at wikang Pranses, at katunaya'y siya ring unang nagsalin sa
              Tagalog na tulang Mi Ultimo Adios na sa wikang
              Kastila buung-buong isinulat ni Doc. Pepe  -- si Gat Andres
              Bonifacio. Buhay sa kamalayan ng mga Katipunero ang Noli Me
              Tangere at nagpatuloy ang buhay na ito sa kamalayan ng
              napakaraming kababayan na kanilang napagpaliwanagan.  
              Nang
              magrebolusyon ang Katipunan, at hanggang noong sumunod na mga
              dekada, buhay na buhay pa ang Noli Me Tangere, kahit
              ang sumulat ay matagal nang nabaril at nailibing! Sa pagpasok nga
              at paglawig ng eksenang ito nang isinusulat na ang aklat na Tasyo!,
              binuhay nito ang Noli Me Tangere mismo sa kamalayan
              ng kasalukuyang mga Pilipino!  Isang manunulat na tagahanga
              ni Rizal ang nagsagawa at nagsabuhay ng mga katagang "no
              omnis moriar" na minsa'y binigkas ni Rizal --
              "Hindi lahat sa akin ay mamamatay!"   
              Sa
              Kabanata 25 ng Noli, isinalaysay ni Rizal na ang
              tauhang si Pilosopong Tasyo ay may mahalagang isinulat sa wikang
              Tagalog na napagkamalan pa ng bidang si Crisostomo Ibarra na
              nakasulat sa hiyeroglipika (paraan ng pagsusulat na binubuo ng mga
              simbolo imbes na ng mga letra). Hindi na nalaman ni Ibarra o kahit ng
              mga nagbasa ng nobelang iyon kung ano nga ang isinulat ni Tasyo na
              hindi raw para sa kanilang kapanahon, kundi para daw sa noo'y
              kanilang hinaharap. Wala nang ginawang pagbanggit si Rizal
              hanggang sa dulo ng  Noli Me Tangere, at maging sa dulo
              pa ng sequel nitong  El
              Filibusterismo, ukol sa nilalaman at sa kinahinatnan ng
              isinulat na iyon ni Pilosopong Tasyo bilang habilin niya sa
              sumusunod na mga henerasyon at inaasahan niyang makaunawa na sa
              isinulat niyang iyon.  
              Mahigit
              isandaang taon na ang nakakaraan mula nang matapos at maipalimbag
              ang  Noli Me Tangere. Hindi pa rin kaya mauunawaan
              hanggang ngayon ang isinulat ni Tasyo? Di kaya ngayon na ang
              hinihintay na "bukas" na maiintindihan na, sa wakas, ang habilin
              ng Pantas? 
                 
                
              Buháy
              pa nga yata itong mga aklat! 
              Ang
              alam natin, dahil isinulat iyon ni Tasyo para sa
              malayu-layong hinaharap, makatuwiran lang asahan na gagawa siya ng
              hakbang upang mapreserba iyon para sa pagbasa ng noo'y di pa
              ipinapanganak na mga kababayan sa hinaharap. Tila nagtagumpay siya
              sa ganoon, ayon sa aklat na Tasyo!, at ang kahoy na kuwadrong pinagdikitan ay nailigtas sa
              isang sunog nang balikan ito ni Tata Basillo sa kinalalagyan sa
              loob ng nagliliyab na
              bahay. Ikalawang pagkakaligtas na iyon sa apoy ng pagkakasirang
              lubos. Di nga ba muntik nang sunugin ni Rizal ang buong manuskrito
              dahil wala siyang pera para ito'y maimprenta. Si Maximo Viola nga
              ang nakasagip noon! Sa habilin naman ni Tasyo, ang nagligtas ay si
              Tata Basillo. 
              Kaya't
              ikatlong pagliyab na ang sunog na tumupok sa sulat-kamay ni Tasyo
              na nakadikit sa kwadrong kahoy. Sumigaw ng pagmamakaawang "Ilabas
              n'yo ang kuwadro!" ang matandang si Nana Alma habang
              nakaratay sa ICU ng isang ospital. Pero wala nang nakaunawa man
              lang ang pakiusap niya. Kaya, nasunog na rin nga nang lubusan ang
              habilin na nasa sulat-kamay pa ng pantas!  
              Pero
              naganap iyon matapos maparami nang libu-libong kopya ng mga
              empleada ng Universal Colleges sa University Belt ng Maynila at malawak
              nilang
              maipalaganap sa anyong napakadali nang mabasa ng
              karaniwang Pilipino sa ngayon na nakakaunawa sa wikang Tagalog.
              Ito nga'y buung-buo at tuluy-tuloy nang nakalathala sa
              "hard-copy" na bersyon ng inilathalang aklat na TASYO:
              Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas? at sa
              "soft-copy" sa website na ito sa Internet na tatlong
              buwan pang mababasa n'yo nang libre (libre
              hanggang Hunyo 30, 2010). Malamang na
              may magpaparami pa ng mga kopya at mga bersyon ng Habilin. May
              naglagay na nga raw sa kanyang 'Facebook account"! 
              Kumakalat na! 
              Marami
              pa ang maaaring mangyari bunga ng pagkakalathala ng unang edisyon
              noong papatapós ang 2009. Balak kong ipasok ang mga mangyayaring
              ito, mga gagawin ninyo at epekto ng mga gagawin n'yo, sa dagdag na
              kabanatang "Epilogo" ng ikalawang edisyon, na ilalabas
              upang maipamahagi sa panahon ng pagtatanghal nitong maikling
              nobelang Tasyo! bilang isang produksyong pang-teatro,
              sa paraang kikita ng pondo ang mga organisasyong magtatanghal nito. 
              May
              nagbabalak nang magsalin ng "Naitagong Habilin ng Pantas"
              sa Ilocano, Cebuano, pati sa English, at pati sa Pilipino! Oo,
              mula sa Tagalog na nauunawaan lamang nang ganap sa mga probinsya
              ng Calabarzon at ng Mimaropa, tungo sa Pilipino na naiintindihan
              nang husto sa Metro Manila, sa buong Pilipinas at pati ng mga
              kababayan natin sa abrod. Pati nga siguro sa iba pang wika gaya ng
              Kastila. Buhay pa nga ang aklat na Tasyo! at ang
              habilin ng pantas! Di na  ito maaaring mamatay pa sa anumang
              sunog na magaganap sa ngayon o sa hinaharap! Marami at darami pa ang mga bersyón at mga kopya
              nito!  
              At
              ang magliliyab lamang na apoy dito ay ang apoy ng diwang
              maglalagablab sa isip, salita at gawa ng lahat ng mga tunay nang
              nakaunawa at marami pang makakaunawa. 
              At
              sa lahat ng mga talagang makakaunawa sa saysay at tunay na
              kahulugan mismo ng mensaheng ihinabilin ng pantas, buháy na rin
              ito at mapapanatili pang buháy sa kamalayan at kalooban ng
              sambayanan. Nagsimula na itong mabuhay sa diwa at kamalayan ng
              ating mga kababayan! At habang lumalalim at lumalaganap ito sa
              ating hanay, ang mahalagang mga aral sa "habilin ng pantas"
              ay magagamit na natin ito sa ating pursigidong
              pagbabalik-bayanihan, sa ating sama-samang pagmumuni at paghakbang,
              para lutasin na nang ganap sa kaibuturan ng personal nating mga
              kalooban ang nagpapatuloy at lumulubha pang kanser sa ating
              lipunan, ang panlipunang kanser na siyang pinaksa ng Noli Me
              Tangere mismo! 
              Tunay
              nga, tayong mga apo ng Lemuria at Opira, mga tagpagtaguyod ng
              diwang isinulong ng dakilang mga lumad sa buong kapuluan, ng Kartilya ng Katipunan,
              ng Parola ng Napindan, ng Yungib ng Pamitinan, ng Dakilang
              Kapulungan sa Ilog ng Bitukang Manok, at ng Pagtindig ng Unang
              Pambansang Pamahalaan ng Haring
              Bayang Katagalugan sa Gulod ng Banlat, tayong lahat ang
              magpapatunay na ang dakilang diwa ng Malayang Taga-ilog ay di
              namatay at hindi na nga mamamatay. Sama-sama tayong muling titindig, at susulong sa
              pagkakamit ng ating kalayaan at kaginhawahan!  
              Magbabalik-bayanihan,
              magsasanib-lakas and Pilipinas!  Ihahandog natin sa pamayanan ng
              buong mundo ang
              kaisahang totoo!  
              Naritong
              muli ang hamon  ng Tasyo! sa likurang pabalat
              ng aklat: 
              "Napakasimple
              nga raw ng hbilin ng napakatagal nang sumulat nito., na tila raw
              si 'Tasyong Pantas.'   Kung gayon, bakit naman
              ipiagpalagay na di ito mauunawaan ng kanyang mga kapanahon? 
              At nakit kaya pinagdududahan pa ng pamagat nitong aklat na tayo na
              ngayon ang makakaunawa?  Ang tanging sukatan ng sapat na
              pagkakaunawa ay angkop na pagsasabuhay.  Di lang sa isip o sa
              salita, kundi sa gawa.  Sa mga ugali't asal ng mga tao ngayon,
              napakadaling patunayan na di pa talaga natin nauunawaan ang "Habilin
              ng Pantas."  Mayroon kayang sapat na makakakilala sa
              halaga nito sa kamalayan ng SangKatauhan sa buong daigdig, at
              gugugol tuloy ng tiyaga upang ito'y pag-aralan, isabuhay, at
              ipalaganap?" 
              Tila
              mayroon nga, at dumarami pa. At nagawa na nilang magsimula! 
              --
              Ed Aurelio 'Ding' C. Reyes 
              Calapandayan,
              Subic, Zambales 
              Martes,
              Marso 23, 2010 
                
               
              
  
             |